Mga Bersikulo ng Bibliya mula sa
MGA AWIT
Ang mga utos ni Yahweh ay makatuwiran, ito'y nagpapasaya ng puso at kalooban. Ang mga tagubilin ni Yahweh ay tama, nagbibigay sa isipan ng hustong pang-unawa.
Ang nais niya ay kat'wira't katarungan, ang pag-ibig niya sa mundo'y laganap.
Bakit ako nalulungkot, bakit ako nagdaramdam? Sa Diyos ako'y may tiwala, siyang aking aasahan; magpupuri akong muli, pupurihing walang humpay, ang aking Tagapagligtas, ang Diyos na walang hanggan.
Sabik akong naghihintay, O Yahweh, sa iyong tugon, pagkat ako'y may tiwala sa pangako mong pagtulong.
Ang lahat ng taong wasto ang gawain, ay mahal ni Yahweh, hindi itatakwil. Sila'y iingatan magpakailanman, ngunit ang masama ay ihihiwalay.
Ikaw ang aking lugar na kublihan; inililigtas mo ako sa kapahamakan. Aawitin ko nang malakas, pag-iingat mo't pagliligtas. (Selah)
Sa gitna ng paghihirap, kay Yahweh ay dumalangin. Panginoon, ako'y dinggin kapag ako'y tumataghoy, dinggin mo ang pagtawag ko't paghingi ng iyong tulong.
Si Yahweh ang nagbibigay ng tagumpay; pagpalain mo nawa ang iyong bayan! (Selah)
Ipagkaloob mo na aming makamit, O Yahweh, ang iyong wagas na pag-ibig, yamang ang pag-asa'y sa iyo nasasalig!
Ang kaluwalhatian ng Diyos ay ipinapahayag ng kalangitan! Ang ginawa ng kanyang kamay, ipinapakita ng kalawakan! Sa bawat araw at gabi, pahayag ay walang patlang, patuloy na nagbibigay ng dunong at kaalaman.
Ang wagas na pag-ibig mo'y mainam pa kaysa buhay, kaya pupurihin kita, O Diyos, at pararangalan. Habang ako'y nabubuhay, ako'y magpapasalamat, at ako ay dadalangin na kamay ko'y nakataas.
Buong puso ang hangad kong sambahin ka't paglingkuran, huwag mo akong hahayaang sa utos mo ay sumuway.
Sino ba itong dakilang hari? Ang makapangyarihang si Yahweh, siya ang dakilang hari! (Selah)
Anumang hiramin ng taong masama, di na ibabalik sa kanyang kapwa, ngunit ang matuwid na puso'y dakila, ang palad ay bukás at may pang-unawa.
Ikaw lamang ang muog ko at matibay na sanggalang, ang pangako mo sa akin ay lubos kong aasahan.
Kahit mga leon ay nagugutom din, sila'y nagkukulang sa hustong pagkain; ngunit ang sinumang kay Yahweh ay sumunod, mabubuting bagay, sa kanya'y di mauudlot.
Ang bigay mong mga utos, ang pamanang walang hanggan, sa puso ko'y palagi nang ang dulot ay kagalakan.
Ang dagat na kalaliman pakinggan at umuugong, at doon ay maririnig, lagaslas ng mga talon; ang katulad: nagagalit, malalaking mga alon, na sa aking kaluluwa ay ganap na tumatabon.
O Diyos, mga pangako mo'y tinutupad mo ngang lahat, ang dahilan nito, Yahweh, pag-ibig mo'y di kukupas, at ang mga sinimulang gawain mo'y magaganap.
Sa taong di tapat, gawai'y manlinlang, Yahweh, iligtas mo't ako'y isanggalang.
Ang sanlibong mga taon ay para bang isang araw, sa mata mo, Panginoon, isang kisap-mata lamang; isang saglit sa magdamag na ito ay dumaraan.
Sa salita lamang na kanyang pahatid sila ay gumaling, at naligtas sila sa kapahamakang sana ay darating.
Napakaligaya at kahanga-hanga sa ating pangmasid, ang nagkakaisa't laging sama-sama na magkakapatid!
hindi sila ang gumapi sa lupain na minana, hindi sila nagtagumpay dahilan sa lakas nila; hindi tabak ang ginamit, ni ginamit na sandata, kundi lakas mo, O Diyos, noong ikaw ang kasama; oo, ito'y ginawa mo pagkat mahal mo nga sila.
Itong iyong lingkod, sana ay lingapin, sa wagas mong pag-ibig ako ay sagipin.
Kapag aking nagunitang, “Ang paa ko'y dumudulas,” dahilan sa pag-ibig mo, O Yahweh, ako'y tumatatag.
O Diyos, sinubok mo ang iyong mga hirang, sinubok mo kami upang dumalisay; at tulad ng pilak, kami'y idinarang.